Isinusulong ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., na doblehin ang vacation at sick leave ng mga opisyal at kawani ng gobyerno.
Ayon kay Revilla, layon ng kanyang panukala na lalo pang mapangalagaan ang kalagayan ng mga kawani at opisyal ng gobyerno at magkaroon ang mga ito ng sapat na pahinga para makaiwas sa sakit at hindi rin aniya mabawasan ang kanilang mga sick leave na wala namang bayad.
Alinsunod sa Senate Bill 1821 o panukalang expanded leave benefits act, magiging 30 araw na ang magiging bayad na vacation at sick leave kada taon ng mga kawani at opisyal ng national at local government, mga GOCC at SUC’s.
Sa 30 araw na vacation leave, isasama ang tatlong araw na special leave privilege at limang araw na forced leave.
Bukod pa rito, pinabibigyan din ng hanggang anim na buwan na paid rehabilitation leave ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na magkakasakit dahil sa trabaho.
Ayon kay Revilla, bagamat may joint circular na ang Civil Service Commission at Department of Budget and Management ukol sa rehabilitation leave, wala pa namang batas ukol dito.
Samantala, hindi naman kasama sa gagawing expanded leave benefits ang mga guro, maliban sa mga nakatalaga sa non-teaching position.