Madalas ba kayong bumiyahe patungong Hilagang Luzon gamit ang North Luzon Expressway o NLEX?
Kung oo, tiyak na maninibago kayo sakaling maisabatas ang pagpapalit ng pangalan ng naturang diversion road sa mga susunod na araw dahil ipinanunukala iyan sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Kung lulusot ang House Bill 4820, tatawaging President Corazon C. Aquino Expressway ang kasalukuyang NLEX.
Siguro itatanong niyo, bakit pa ba gustong palitan ang pangalan ng 84-kilometer Expressway na iyan, gayong ilang beses na itong binansagang “Radial Road 8” noong 1960s hanggang ito ay tawagin ding Manila North Expressway o Diversion Road?
Eto ang rason ni Nueva Ecija Representative Magnolia Antonino, ang may akda ng panukala, ay upang maisabuhay ang alaala ng dating Pangulong Cory na naging icon o simbolo ng demokrasya.
Maganda naman ang hangarin ng kinatawan ng Nueva Ecija na ipangalan ang NLEX kay Tita Cory, o CAEX for short, pero lumalabas na tila isang paraan lamang ito ng pagpapabango sa liderato ni Pangulong Noynoy Aquino, na anak ng yumaong dating lider ng bansa.
Katunayan, kung pagbabasehan mo ang balakin ng ilan pang mambabatas, iminungkahi na rin ni Bohol Representative Rene Relampagos na palitan ang pangalan ng Epifanio delos Santos Avenue o EDSA bilang Cory Aquino Avenue.
Nariyan din ang hangaring tituluhan ang Clark International Aiprort bilang Corazon C. Aqunio Airport.
Wala naman tayong pagtutol dito sa mga inisyatibo ng mga mambabatas, ngunit imbes na unahin ito, sigurado mas pagtuunan ng malaking panahon ng mga halal na kinatawan ang mga mahahalagang batas upang bigyang daan ang agarang pag-unlad ng ating bansa.
Bakit hindi unahin ang pagbuo ng mga batas na magbibigay ng proteksiyon sa ating mga manggagawa laban sa mga walang kaluluwang mga employer na basta-basta na lamang nagtatanggal ng mga obrero, na siyang dahilan kung bakit marami sa kanila ang nangingibang bansa.
Dapat magpanday ang ating mga mambabatas ng mga batas na siyang makatulong upang maibsan ang hirap sa pagbabayad ng buwis.
Sa paglaban naman sa krimen, pwedeng paigtingin at palakasin ang mga penalties at parusang ipapataw sa mga kriminal lalong-lalo na sa mga nagaganap na carjacking o pagnanakaw ng sasakyan at yaong masasangkot sa ilegal na droga.
Dahil kung hindi ito magawa ng mga kasalukuyang mambabatas, naku puwede ba, huwag na kayong mangahas pang magpa-halal sa susunod na eleksiyon dahil aksaya lamang iyan sa boto ng mamamayan. (By: ALEX SANTOS)