Hinimok ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang ‘urgent’ ang pagpasa ng kanyang isinumiteng senate bill 2121 na naglalayong gawing krimen ang red tagging at parusahan ang mga otoridad na masasangkot sa red tagging.
Ito ay makaraang suportahan mismo ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang naturang panukalang batas.
Ayon kay Drilon, dahil sa inihayag na opinyon ni Guevarra na may kulang sa ating batas, dahil sa ngayon ay hindi pa criminal offense ang red tagging, naging mahalaga anya ang agarang pagpasa ng kanyang panukala.
Pinuri ni Drilon ang paninindigan at pananaw ni Guevarra na dapat makapagpasa ang kongreso ng red tagging law.
Sa huli, giit ni Drilon na ito’y para matigil ang walang habas na red tagging kung saan pinakahuli sa mga nabiktima nito ay ang organizer ng community pantry. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)