Lusot na sa komite sa Kamara ang panukalang gawing lifetime o panghabang buhay ang validity ng birth, death at marriage certificates.
Inaprubahan ng House Committee on Population and Family Relations ang substitute bill ng naturang panukala kung saan partikular na tinutukoy dito ang certificates na iniisyu, nilagdaan, sinertipikahan at pinatunayan ng Philippine Statistics Authority, Local Civil Registry Offices at National Statistics Office.
Ayon kay Committee Chairman at Guimaras Rep. Maria Lucille Nava, nagdudulot lamang ng kalituhan sa publiko at karagdagang pahirap din ang pansamantalang bisa ng mga pangunahing dokumento na kinakailangan sa mga mahahalagang transaksyon.
Ang naturang mga sertipikasyon ay kadalasang hinihingi bilang requirement sa maraming ahensya ng pamahalaan at maging sa mga pribadong kumpanya.