Pinag-aaralan ng Task Force Bangon Marawi ang panukalang gawing memorial ang main battle area ng Marawi City.
Sinabi ni Defense Assistant Secretary Kristoffer James Purisima na ang pinal na plano para sa rehabilitasyon ng Marawi City ay naka-depende sa resulta ng post conflict needs assessment.
Ipinabatid ni Purisima na natapos na ng task force ang pag-assess sa mga danyos at mga nalugi sa apatnapu’t siyam (49) mula sa siyamnapu’t anim (96) na apektadong barangay sa Marawi City.
Magtutuluy-tuloy aniya ito sa mga labis na naapektuhang barangay kapag nakakuha na sila ng clearance mula sa Armed Forces of the Philippines o AFP.
Sinabi ni Purisima na hindi pa nila mabatid kung ilan sa mga apektadong residente ng Marawi City ang makakabalik na sa kani-kanilang mga bahay.
May natitira pang ISIS cells sa bansa – AFP
Malaki ang posibilidad na may natitirang pang ISIS cells sa bansa.
Paniniwala ito ni bagong AFP Chief of Staff Lieutenant General Rey Leonardo Guerrero dahil maaaring hindi lamang sa Mindanao naka-kalat ang mga remnant ng ISIS kundi maging sa iba pang lugar tulad ng Maynila.
Dahil ditto, tiniyak ni Guerrero ang mahigpit na pakikipag-ugnayan ng AFP sa law enforcement agencies at local government units o LGU’s para matukoy at ma-monitor ang mga posibleng banta ng mga terorista.
Magiging priority aniya ng AFP ang pagtapos sa lahat ng threat groups tulad ng New People’s Army o NPA, mga terorista at lawless armed groups sa loob ng dalawang buwan ng kaniyang panunungkulan.