Inihain na sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na nagsusulong na hatiin sa apat na distrito ang Barangay Muzon sa San Jose del Monte City, lalawigan ng Bulacan.
Sa ilalim ng House Bill No. 2379 ni San Jose del Monte City lone District Rep. Florida “Rida” Robes, layon nitong mapalawak ang ibinibigay na serbisyo ng lokal na pamahalaan gayundin ang good governance sa kanilang nasasakupan
Ang hakbang na ito ay magbibigay daan sa mas mabuting pamamahala at mas marami pang benepisyo sa ekonomiya ng SJDM,” sabi ni Congresswoman Robes. “Mas mapapadali ang pangangasiwa ng kada barangay sa paghahati na ito. Madadagdagan din ang mga local leaders na mabibigyan ng pagkakataon na magsilbi sa SJDM,” ani Robes.
Sakaling maging ganap na batas, hahatiin ang Barangay Muzon sa apat at papangalanang Barangay Muzon Proper, Barangay Muzon East, Barangay Muzon West, at Barangay Muzon South.
Kaugnay nito, ikinatuwa naman ng grupong Pinoy Aksyon PH ang inihaing panukala ni Rep. Robes.
Ayon kay Em Ross Guangco, makatitiyak aniya ang mga residente ng SJDM sa maayos na pamamahala sa Pamahalaan.
Bilang mga mamamayan, may tungkulin tayo na ipaalam sa mga opisyal ng gobyerno kung ano ang ating mga saloobin. Masuwerte kami sa pagkakataong ito dahil pinakinggan kami ni Congresswoman Robes at sang-ayon s’ya sa paghahati sa Barangay Muzon. Iisa ang layunin natin — ang kabuuang pag-alagwa ng ekonomiya ng San Jose del Monte,” ani Guangco.
Sagot naman ni Rep. Robes:
Kinagagalak ko na may mga grupo ng mga mamamayan sa SJDM na handang makipagtulungan sa LGUs para sa ikauunlad ng lahat. Ito ang kultura ng pagmamalasakit na gusto kong magpatuloy sa SJDM. Mas mapapadali ang misyon namin na gawing isang world-class na siyudad ang SJDM kung saan pinapalakas ang karapatan ng mga mamamayan na magkaroon ng boses sa pamamahala ng lungsod. Walang impossible kung sama-sama kaming iaaangat ang SJDM,” ani Robes.
Magsasagawa din ng survey ang grupong Pinoy Aksyon PH para makuha ang ang pulso ng mga residente ng Barangay Muzon.