Sinupalpal ni Philippine Permanent Representative to the United Nations Teddy Locsin ang sinasabing panukala ni Vice President Leni Robredo na i-decriminalize ang illegal drugs use sa bansa.
Ayon kay Locsin, isang kalokohan ang panawagan ni Robredo na nangangahulugang nais din nitong gawing ligal ang paggamit ng shabu o anumang iligal na droga.
Gayunman, ipinaliwanag ng mga tagasuporta ng Pangalawang Pangulo na magkaiba ang decriminalization at legalization ng illegal drugs.
Magugunitang hinimok umano ni Robredo sa isang forum sa University of the Philippines ang mga estudyante na mag-alok ng alternatibo sa war against drugs.
Inihalimbawa ng Pangalawang Pangulo ang Portugal na nagtagumpay sa pag-decriminalize ng illegal drugs use kung saan sa halip na ikulong at patawan ng mabigat na parusa o kaso ay inire-rehabilitate na lamang ang mga drug user.
Taong 2001 nang i-decriminalize ng Portugal ang paggamit ng marijuana, cocaine at heroin na isang public health issue sa halip na tratuhing criminal offense.
Gayunman, maliit na quantity lamang ng mga nasabing droga ang pinapayagan at sa halip na sa kulungan ang bagksak ay diretso sa rehabilitation facility ang mga mahuhuli.
VACC
Samantala, binatikos din ng VACC o Volunteers Against Crime and Corruption ang panawagan ni Vice President Leni Robredo na gawing ligal o i-decriminalize ang paggamit ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay VACC Spokesman Arsenio “Boy” Evangelista, hindi naman maaaring ikumpara ang criminal system maging ang kultura ng Pilipinas sa ibang bansa lalo sa Portugal.
“Una nalulungkot kami talaga sa ganyang mga pronouncement lalo na galing sa isang Bise Presidente, number two siya sa ating gobyerno, kung saan ang message niya ay una hindi talaga siya pro-victim, imagine ide-decriminalize mo itong mga major crime threats , hindi mo puwedeng i-compare ang isang mansanas sa isang orange, malayo po yun.” Ani Evangelista
Kung ganito anya ang nais ni Robredo ay gawin na ring ligal ang ibang krimen tulad ng pagpatay.
“Kaya lang nga kasi hindi siya nag-iingat, paano naman yung mga ibang major crimes? para bang gusto niya i-legalize na natin yang treason, plunder, heinous crime yung mga sinusunog ang biktima, kine-cremate, katulad nito yung isang colonel, na uniformed na involved sa Abu Sayyaf, ito ay treason and should be punishable by death.” Pahayag ni Evangelista
By Drew Nacino | Ratsada Balita (Interview)