Isinusulong ngayon sa Senado ang panukalang i-exempt sa lahat ng uri ng buwis ang pagbili ng bakuna.
Layon ng panukalang Vaccination Program Act na gawing exempted sa customs duties, value added tax, excise tax at iba pang fees at charges ang importasyon ng bakuna gayundin ang distribusyon nito.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara, batay sa panukalang batas ni Senator Imee Marcos, gagawin din itong exempted sa donor’s tax o hindi bubuwisan ang mga pribadong indibidwal at kumpanya na magdodonasyon ng bakuna at iba pang kagamitan na pantugon sa COVID-19 pandemic.
Ayon naman kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, makatwiran lang na hindi magpataw ng buwis dahil hindi dapat pagkakitaan ng gobyerno ang pandemya.
Hindi rin anya dapat pahirapan sa buwis ang mga magmamalasakit na magdonasyon ng bakuna.
Sa vaccination program ng gobyerno, kailangang idonasyon sa gobyerno ang kalahati ng bakuna na bibilhin ng mga pribadong kumpanya. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)