Inaprubahan na ng House Justice Committee ang panukalang i-house arrest si dating Pangulo at ngayo’y Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo.
Ayon kay House Justice Committee Chair Niel Tupas, mayorya o walo ang bumoto pabor sa pag-house arrest kay Arroyo habang isa lamang ang hindi pabor sa panukala.
Nilinaw naman ni Tupas na humanitarian reason at hindi pakikipag-alyado ng administrasyon kay CGMA ang hakbang na ito ng komite.
Binigyang diin ni Tupas na walang halong pulitika ang pagpayag ng kanilang komite na ma-house arrest ang dating Pangulo.
Gayunman, nasa Sandiganbayan pa rin ang huling pagpapasya kung papayagan o hindi na isasailalim sa house arrest si dating Pangulo at Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo.
Inihayag ito, kasunod ng pag-apruba ng House Justice Committee sa resolusyong humihiling na i-house arrest ang dating Punong Ehekutibo.
Paglilinaw ni Tupas, ang inaprubahang resolusyon ng komite ay pagpapakita lamang ng saloobin ng mga kapwa mambabatas ni Ginang Arroyo at hindi ito makaaapekto sa inihaing hiwalay na mosyong inihain ng kampo ng dating Pangulo.
Kasunod nito, sinabi ni Tupas na payag siyang gamitin bilang attachment ang ipinasa nilang resolusyon sa inihaing mosyon ni Arroyo at wala namang problema sa kanila ang bagay na ito.
By Ralph Obina | Jaymark Dagala | Jill Resontoc (Patrol 7)