Ayaw nang patulan ng Malakanyang ang sulat ng dalawang US Congressmen kay President Donald Trump na isama sa agenda ang isyu ng human rights sa nakatakda nitong pakikipagkita kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi nila intensyon na makialam sa panloob na usapin ng Estados Unidos.
Batay sa sulat nina US Representatives Randy Hultgren ng Illinois at James McGovern ng Massachusetts, hinimok ng mga ito si Trump na isama ang issue ng paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas sa magiging sentro ng talakayan sa bilateral meeting nito kay Pangulong Duterte.
Nakasaad sa liham na nakakabala umano ang mga ulat ng international human rights groups, kung saan aabot sa mahigit 7,000 indibidwal ang namatay simula nang ilunsad ng Duterte administration ang “war on drugs”.
Gayunman, inihayag ni Roque na nananatiling maganda ang rapport ng dalawang lider at umaasa silang magiging produktibo ang pulong ng mga ito para sa interes ng dalawang bansa.