Hindi maaaring kanselahin o ipatigil ng sinuman ang pagsasagawa ng eleksyon sa bansa.
Ito’y ayon kay dating Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal makaraang lumutang ang pagnanais ng isang mambabatas na kanselahin muna pansamantala ang eleksyon dahil nasa gitna ang bansa sa Corona Virus Disease (COVID-19) pandemic.
Pagdidiin pa ni Larrazabal, kahit pa ang Pangulo o Punong Ehekutibo ng bansa ay walang kakayahang kanselahin ang pagsasagawa ng eleksyon.
Paliwanag nito, ang bukod tanging may boses para sa pagpapatigil ng eleksyon, ay ang taumbayan sa pamamagitan ng national electoral exercise.
Giit pa ni Larrazabal, hindi dahilan ang nararanasang pandemya para ipatigil ang eleksyon.
Mababatid din kasi na aabot sa 30 mga bansa sa buong mundo ang nagsagawa ng eleksyon sa gitna ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.