Kinatigan ni Senador Francis Tolentino ang mungkahing gawing requirement sa operasyon ng online o E-Sabong ang pagkakaroon ng prangkisa mula sa kongreso.
Ito, ayon kay Tolentino, ay kung mangangahulugan na magkakaroon ang gobyerno ng kontrol at regulasyon sa operasyon ng E-Sabong at mababawasan ang masama nitong epekto sa publiko.
Sa ngayon, nag-ooperate ang E-Sabong batay sa lisensya mula sa PAGCOR habang nasa kongreso pa ang mga panukalang batas hinggil sa prangkisa na hinihiling ng mga operator.
Nakababahala na anya ang mga report kaugnay sa mga dinukot o nawawalang sabungero, bukod pa sa mga impormasyong kahit mga menor de edad ay nakatataya sa E-Sabong habang naglipana ang mga fly by night operation nito.
Sa Kamara, nakabinbin ang aplikasyon para sa prangkisa ng ilang operator habang sa senado, naka-endorso na para sa approval ng plenaryo ang panukalang batas sa pagbibigay ng 25 year franchise sa isang E-Sabong operator.
Alinsunod sa panukala, itinatakda ang mga responsibilidad ng E-Sabong operator, kabilang ang pagkakaroon ng mekanismo upang hindi makataya ang mga menor de edad. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)