Umaasa si Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo Ompong Ordanes na magiging ganap na batas ang iniakda niyang House Bill 7859 o free dialysis for senior citizens act of 2020.
Ito ay matapos na makalusot at aprubahan sa committee level sa House of Representatives ang naturang panukala.
Ayon kay Ordanes, marami ang makikinabang sa House Bill 7859, oras na maging ganap na batas ito dahil lahat naman aniya ay magiging senior citizen.
Sa ilalim ng panukala, sasagutin na ng PhilHealth ang gastusin sa lahat ng dialysis session ng mga senior citizens na may sakit sa kidney o bato.
Sinabi ni Ordanes, sa kasalukuyan ay pansamantalang itinaas ng PhilHealth sa 144 dialysis session ang sinasagot nilang gastos mula sa itinakdang 90 session dahil sa Bayanihan Act.
Sa pagkakaalam ko libre pa, hindi ko alam kung hanggang December na libre pa ‘yan, yung covered ng Bayanihan Act siguro kung (makalampas) tayo sa pandemic na ito eh ‘di balik bayad na naman yung mga pasyente kawawa naman, yung 54 sessions kasi ay magiging halagang P135,000, sabi ko nga lahat tayo ay makikinabang kahit hindi ka senior citizen ngayon, magiging senior citizen ka din sa darating na taon ‘wag ka lang magmamadali,” ani Ordanes.