Lusot na sa Senate Committee on Economic Affairs ang panukalang lifetime ownership ng cellular phone numbers.
Nakasaad sa Senate Bill No. 1636 na magiging pag-aari na pang-habang panahon ng isang subscriber ang kanyang cellphone number kahit siya pa ay magpalit ng telecommunications company (Telco) para sa mga serbisyong inaalok nito.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng nasabing komite, nagiging dahilan ng karamihan ang panghihinayang sa kanilang cellphone number na matagal ng ginagamit kaya hindi lumilipat kahit palpak na ang kanilang Telco.
Ngunit sa oras na maisabatas ito, sinabi ni Gatchalian na mabibigyan na ng laya ang mga subscriber na makapamili ng mahusay na serbisyo mula sa isang Telco gamit ang dating numero.