Aprubado na sa House Committee on Human Settlement and Urban Development ang panukalang magtatag ng hiwalay na kagawaran na tututok para sa mga pabahay ng pamahalaan.
Ayon kay Negros Rep. Albee Benitez, chairman ng komite, lumalaki na ang backlog ng gubyerno sa aspeto ng mga pabahay kaya’t panahon na para itatag ang Department of Human Settlement and Urban Development.
Sa ilalim ng nasabing panukala, isasalin sa itatatag na kagawaran ang mga tungkulin ng kasalukuyang HUDCC o Housing and Urban Development Coordinating Council gayundin ng HLURB o Housing and Land Use Regulatory Board.
Kung sakaling maisabatas, babalangkas ang nasabing kagawaran ng isang pambansang istratehiya para lutasin ang halos pitong milyong backlog sa pabahay bago bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sa taong 2022.
—-