Lusot na sa kamara ang House Bill 988 o ang panukalang nagsusulong na itaas sa 10 araw ang mandatory five-day service incentive leave ng mga kwalipikadong empleyado.
Sa botong 273 na pabor dito, inaprubahan na ng House of Representatives sa 3 at huling pagbasa ang nasabing panukala.
Layon nito na amyendahan ang Article 95 ng Presidential Decree no. 442 o ang Labor Code of the Philippines, upang madagdagan ang Service Incentive Leave with pay ng mga empleyadong mahigit isang taon nang nagtatrabaho sa alinmang kumpanya sa bansa.
Exempted sa panukalang ito ang mga kumpanyang nagpapatupad na ng ganitong panuntunan at mga establisyementong mayroong sampu pababa lamang na mga manggagawa o mga negosyong kabilang sa micro enterprises.
Ayon kay Baguio City Rep. Mark Go, sa ilalim ng kasalukuyang batas, hindi mandatory ang pagbibigay ng sick leave at vacation leave ng mga employer dahil nasa kanilang prerogative na aniya ito alinsunod sa nilagdaang kontrata ng isang empleyado o sa pamamagitan ng collective bargaining agreement.
Naniniwala si Go na sakaling maisabatas na ang panukala ay tiyak na mapatataas nito ang moral at pagiging produktibo ng mga empleyado, gayundin ang pagbuti ng kanilang kalusugan. – sa ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17).