Nakalusot na sa Committee on Disaster Resilience ng Kamara ang panukala na layong magbigay ng ‘monetary compensation’ sa mga naapektuhang residente ng kaguluhan sa Marawi siege.
Sa pagdinig ng komite, pinagsama-sama na ang tatlong mga panukala sa Kamara na inihain nina Deputy Speaker Mujiv Hataman, at kapwa Congressmen Hooky Adiong, Amihilda Sangcopan, Yasser Alonto Balindong, Eleandro Madrona, Mohamad Dimaporo, at Congresswoman Lucy Torres-Gomez.
Ayon kay Deputy Speaker Hataman, hindi inilagay ang halaga ng naturang compensation dahil posible pa itong amyendahan ng Kamara.
Sa pagtataya ni Hataman, tinatayang nasa 95% ang nasira sa pinangyarihan ng gulo na para kay Hataman, ay isang napakalaking hamon sa pamahalaan kaugnay ng ginagawa nitong rehabilitation efforts.
Samantala, sa ilalim ng House Bill 3418 ni Congressman Hooky Adiong, P50 bilyong ang kakailanganing halaga ng pondong ilalaan sa loob ng limang taon para sa naturang ‘monetary compensation’ kung saan P10-B ang manggagaling sa pambansang budget, habang ang nalalabing P40-B naman ay magmumula sa PAGCOR.
Pero alinsunod naman sa House Bill 3543 at 3922, ipinanukala ang P30-B pondo para sa mga naapektuhan ng gulo sa Marawi na manggagaling naman sa pambansang pondo na hahatiin sa loob ng 3 taon.
Mababatid na nakasaad sa mga panukala ang pagbuo ng isang board na kikilala at mag-momonitor ng mga lehitimong claimants ng naturang compensation.