Lusot na sa Senado ang panukalang naglalayong magtayo ng hiwalay na bilangguan para sa mga presong nahatulan ng heinous crime.
Sa pagpabor ng 21 senador, walang tumutol, aprubado ang Senate Bill 1055 kung saan nakasaad na magtatayo ang gobyerno ng maximum penal insititution sa isang lokasyon na tutukuyin ng Department of Justice.
Iminumungkahi ng nasabing panukala na ipatayo ang kulungan sa loob ng isang military facility o isang hiwalay na isla para makatiyak na wala silang magiging komunikasyon sa labas ng penal institution.
Lalagyan din ang pasilidad ng mga surveillance camera at high tech na mga lock at pintuan.
Sakop ng naturang panukala ang mga high-level heinous crime convict na nasa loob ng Bureau of Corrections.