Muling binuhay sa kamara ang panukalang pagtatayo ng permanenteng evacuation site sa bawat siyudad sa bansa.
Ito ang inihayag ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-List Rep. France Castro at aniya’y dapat na ituring bilang “urgent” ang ang House Bill 5152 o Permanent Evacuation Centers in Every City and Municipality dahil sa madalas na pamiminsala ng mga bagyo sa bansa.
Nabanggit din ng mambabatas ang naging malawakang pagbaha sa Cotabato at Maguindanao kung saan binaha rin ang mismong mga evacuation center sa mga nasabing lalawigan.
Hindi na rin aniya sapat ang mga covered courts at eskwelahan ang gawing evacuation centers para sa mga kababayang maaapektuhan ng bagyo.
Samantala, sakaling agad na maaprubahan ang panukala, ay mayroon pang pagkakataon upang talakayin ang sesyon sa paghihimay ng 2023 Proposed National Budget at makapaglaan ng pondo sa pagpapatayo ng permanenteng evacuation centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa. —sa panulat ni Hannah Oledan