Seryoso umanong ikinukunsidera ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang panukalang magtatag ng Maharlika Wealth Fund (MWF).
Ito ang inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri makaraang magkausap sila ng pangulo hinggil sa naturang panukala na tinatalakay ngayon sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Zubiri, hindi naman inatasan ng punong ehekutibo ang Senado na madaliin ang pagpasa ng panukalang maharlika o sovereign wealth fund.
Sinabi anya sa kanya ni Pangulo Marcos na kailangang pag-aralan nang husto ang naturang bill kaya hindi nila papaspasan ang pagpasa nito bagay na naintindihan ni PBBM dahil naging senador din ito.
Ipinunto ng mambabatas na mahalagang walang trust issue sa ipapasang MWF kaya hindi nila ito mamadaliin at kailangan umanong maglagay ng “economic geniuses” bilang head ng wealth fund. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)