Tutol ang grupo ng mga negosyante at ilang ekonomista sa panukalang lumikha ng isang Sovereign Wealth Fund (SWF) na tatawaging Maharlika Wealth Fund dahil isasabak bilang initial capital ang pension funds ng Government Service Insurance System at Social Security System.
Kabilang sa mga kumontra ang Foundation for Economic Freedom, Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Movement for Good Governance at UP School of Economics Alumni Association.
Sakaling ipasa bilang batas ang Maharlika, ipag-uutos nito sa GSIS at SSS, maging sa state-owned lenders na Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines na maglaan ng initial investment na P200-B.
Bukod pa ito sa magiging kontribusyon na P25-B ng gobyerno, Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Ayon sa business groups, dapat i-prayoridad ang fiscal prudence o kakayahan ng gobyerno na mapanatili ang maayos na pagpapaikot sa pera ng taumbayan.
Dapat anila ay mayroong sobrang pera o commodity-based surpluses ang bansa upang ilagak sa Sovereign Wealth Fund (SWF) bilang kapital at dapat walang binabayarang malaking utang ang gobyerno.
Karaniwang nagmumula ang puhunan ng SWF sa natural resources extraction ng isang bansa, gaya ng langis at metal, na kalauna’y nauubos kaya’t tumataas ang halaga.