Lusot sa Senado ang panukalang mahigit tatlong Trilyong Pisong budget para sa susunod na taon.
16-0 ang naging botohan sa Senado para maaprubahan ang 2018 general appropriations act na una nang sinertipikahang urgent ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil dito itinakda na ngayong araw na ito ang bicameral conference committee meeting at kapag naaprubahan na ay ididiretso na sa Malakaniyang para lagdaan ng Pangulo.
Sinabi ni Senate Finance Committee Chair Loren Legarda na layon nilang maisumite ang panukala sa Pangulo sa ikalawang linggo ng Disyembre para maging batas ito bago pa mag Pasko.
Sa pamamagitan nito aniya ay may panahon pa ang mga ahensya ng gobyerno para makapag plano sa pagpapatupad ng kanilang mga proyekto.
Ang nasabing budget ay kumakatawan sa halos 22 percent ng tinatayang GDP o Gross Domestic Product para sa susunod na taon at mahigit labing dalawang porsyentong mas mataas sa 2017 budget na 3.35 Trillion Pesos.