Kapwa naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) na makatutulong sa nation building ang panukalang mandatory military service sa mga kabataan.
Ayon kay AFP Spokesman, Col. Ramon Zagala, napapanahon ang naturang panukala lalo’t humaharap ang bansa sa mga pinakamabibigat na hamon tulad ng pandemiya, national security at terrorismo.
Hindi lang naman paghawak ng armas at pakikipagdigma ang hangarin ng mandatory military service dahil ini-aalok din nila ang iba pang kasanayan tulad ng disaster response at humanitarian assitance.
Sa panig ng Pulisya, binigyang diin ni PNP Spokesman, P/BGen. Roderick Alba na maliban sa internal security ay mapapataas pa ang kamalayan ng mga Pilipino pagdating sa disiplina at pagsunod sa batas.
Mahalaga aniyang magkaroon ng angkop na kakayahan ang publiko na kumilos sa panahong higit na kinakailangan kaysa manatiling nakamasid at walang ginawa kundi pumuna. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)