Aprubado na sa House Committee on Justice ang panukala na gawing iligal o krimen ang ‘hazing’ sa mga fraternity.
Sa ilalim ng House Bill 3467 na inihain ni Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera Dy, pananagutin ang lahat ng opisyal ng fraternity sakaling may masugatan o mamatay sa hazing rites.
Napagkasunduan din sa komite na ipataw ang parusang dalawampung (20) taon hanggang habambuhay na pagkakakulong at isang milyong multa depende sa hatol ng Korte na mapatutunayang nagkasala.
Nakasaad din sa panukala na dapat magkaroon ng written notice pitong (7) araw bago magsagawa ng initiation rites.
Maliban dito, nakapaloob din sa panukala na dapat ay rehistrado sa mga otoridad ang fraternities, sororities at iba pang organisasyon na kahalintulad nito sa loob man o labas ng paaralan.
Sakop din ng panukala ang mga organisasyon na mga nakabase sa komunidad gaya ng mga frat o gang ng mga kabataan sa mga barangay.