Target sa Senado na maipasa sa unang bahagi ng 2018 ang panukalang national identification system.
Ayon kay Senador Ping Lacson, isa sa mga may akda ng panukala, mamadaliin na ito dahil nahuhuli na ang Pilipinas kumpara sa mga bansang umiiral na ang naturang Sistema.
Ipinunto rin ni Lacson na maraming bentahe ang pagkakaroon ng national ID system, tulad na lamang ng mas mabilis na transaksyon sa mga pribadong institusyon gaya ng bangko at makakatulong din sa mas madaling pagsasawata ng krimen at terorismo.
Sa pinag-aaralang sistema, magkakaroon ng reference number ang bawat Pilipino at magagamit ito para makuha na ang impormasyon mula sa kaniyang datos sa mga ahensya ng gobyerno gaya ng GSIS, SSS, LTO, at hindi magtatagal ay maaari na rin itong magamit na pasaporte.
Pero paliwanag ng senador kahit maisabatas na agad ito ay maaaring abutin ng limang taon bago ganap na maipatupad ang naturang sistema dahil sa kakapusan ng teknolohiya ng bansa.
Ngunit bilang paghahanda na rin sa pagsasabatas ng National ID System, may nakalaan ng mahigit 1.5 billion pesos para sa kakailanganing teknolohiya ng Philippine Statistics Authority o PSA.
—-