Ibinasura ng Commission on Education (CHED) ang panawagang magkaroon ng academic break sa buong bansa o kahit sa Luzon, kasunod ng magkakasunod na pananalasa ng mga bagyo.
Ayon kay CHED Chairperson Prospero De Vera III, walang kapangyarihan ang komisyon na magpalabas ng unilateral decision para sa isang academic break.
Paliwanag ni De Vera, hindi posible ang nationwide academic break dahil, magkakaiba aniya ang epekto ng mga bagyo at sakuna sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Bukod dito, hindi rin maaaring magdeklara nito sa Luzon dahil may kanya-kanyang pagpapasiya na sa usapin ang bawat unibersidad at kolehiyo.
Binigyang diin ni De Vera, ang pamunuan ng eskuwelahan at LGUs ang dapat na magpasiya kung magdedeklara ng suspensyon ng klase, depende sa sitwasyon sa nasasakupang nilang lugar.
Una nang nag-anunsyo ang ilang unibersidad ng isang linggong class suspension sa gitna ng naging epekto ng magkakasunod na bagyo, problema sa distance learning at nararanasang hirap ng mga estudyante at guro.