Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukala na layong amyendahan ang batas para mapabilis ang pagkuha ng passport.
Ito’y matapos na pumabor ang 201 na mga mambabatas at walang tumutol na ipasa ang house bill 8513 o ang New Passport Law.
Ayon sa may akda ng naturang panukala na si Deputy Speaker Rufus Rodriguez, sa karapatan ng isang Pilipino na nakasaad ani ito sa konstitusyon, inviolable o hindi maaaring labagin ang right to travel o karapatan na makabiyahe ng sinuman.
Dagdag pa ni Rodriguez, tungkulin ng gobyerno ang pag-iisyu ng passport sa sinumang Pilipino na makasusunod sa requirements na hinihingi ng batas.
Giit pa ng mambabatas, sa naturang panukala, kung nakasunod sa anumang requirements ang sinumang magnanais na magkaroon ng passport ay dapat maging mabilis ang pag-isyu nito.