Inalmahan ng ilang mga business group ang panukalang 200-peso across-the-board daily wage increase.
Ayon sa pinagsamang pahayag ng walong business organizations, makaaapekto sa ekonomiya ng bansa sakali mang maisabatas ang nasabing panukala.
Bagama’t, nirerespeto at naiintindihan nila na layunin nitong mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa, ay naniniwala rin silang magkakaroon ito ng malaking epekto sa mga business owners, partikular na sa small and micro enterprises, at sa ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa ng mga grupo ng negosyante na ang panukalang taas-sahod ay posibleng magpahirap sa mga business owners lalo na ang iba sa mga ito ay maliit lamang din ang kita at kulang sa financial flexibility upang tumalima sa naturang panukala.
Maaari din anilang tumaas ang “cost of living” kapag ipinatupad ang 200-peso across-the-board daily wage increase dahil mapipilitan ang mga business na taasan ang presyo ng mga serbisyo at bilihin upang mabigyan ng sapat na sahod ang mga empleyado nito.
Bukod dito, maaari ring magsara ang maliliit na negosyo sakali mang maisabatas ang naturang panukala.
Kabilang sa mga samahang tutol sa 200-peso across-the-board daily wage increase ay ang Employers Confederation of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry, Philippine Exporters Confederation Inc., Philippine Hotel Owners Association, at iba pa. - Sa panulat ni John Riz Calata