Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang 3.76 trillion pesos na national budget para sa susunod na taon.
Dalawang daan at dalawampu’t tatlong (223) mga mambabatas ang bumoto pabor sa House Bill 6215 o ang 2018 General Appropriations Act habang siyam lamang ang kumontra rito.
Pinakamalaki pa ring nabigyan ng alokasyon ang Department of Education o DepEd na may pondong mahigit sa 567 billion pesos, sinundan ng Department of Public Works and Highways o DPWH na may mahigit 458 billion pesos, Department of Interior and Local Government o DILG, Department of National Defense, DSWD o Department of Social Welfare and Development at DOH o Department of Health.
Mas mataas ng 12.4 percent ang inaprubahang pondo para sa 2018 kumpara sa kasalukuyang national budget.
Magugunita namang naging kontrobersyal ang pagtalakay sa 2018 national budget matapos bigyan ng tig-isang libong piso ng Kamara ang CHR, ERC at NCIP.
—-