Suportado ni dating Commission on Elections Chairman Christian Monsod ang mga panawagan na amyendahan ang substitution rules sa ilalim ng Omnibus Election Code kung saan pinapayagang umatras ang mga kandidato bago ang deadline sa a-15 ng Nobyembre.
Giit ni Monsod, mahalagang baguhin na ang nasabing patakaran dahil tila ginagawa nang katawa-tawa ang deadline ng substitution at maging ang certificate of candidacy o COC.
Inihalimbawa ni Monsod ang paghahain ng kandidatura ni Sen. Bato dela Rosa para sa pagka-bise presidente kung saan animo’y ipinahiwatig ng senador na napipilitan lamang siyang tumakbo at maaari siyang umatras anumang oras.
Aminado si Monsod na maaaring sa mga susunod na halalan na magagamit ang amendments ng ruling dahil gahol na sa oras kung gagawin ito para sa 2022 elections.