Isinusulong nina Senadora Grace Poe at Senadora Pia Cayetano na gawing batas ang pag-iisyu ng gobyerno ng vaccination passport.
Anila, ito’y magsisilbing record at katibayan na nabigyan na ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), at ng iba pang-uri ng bakuna ang isang Pilipino.
Sa Senate Bill No. 1994 ni Poe, layon nito na bigyan ng otorisasyon ang Department of Health na mag-isyu ng libreng vaccination passport sa lahat ng Filipino citizen.
Mababatid na idedeklara rito ang ‘basic personal information’, ang uri ng bakuna at petsa kung kailan at saan iyon ibinigay at kung sino o anong institution ang nagbakuna.
Magagamit ito sa international at domestic travel, sa pagpasok sa mga business establishment at sa mga pampublikong lugar at pagtitipon, pero hindi ito pwedeng gamitin para sa identification o pagkakakilanlan.
Oras na maging batas, ang gagamit ng dinoktor o pekeng vaccine passport, ay maaring makulong ng hanggang 10 taong taon at pagmumultahin ng P90,000.
Kaugnay nito, sa senate bill 1999 naman ni Cayetano, ang Inter-Agency Task Force (IATF) ang pinag-iisyu ng vaccination passport na magagamit para ma-monitor ng gobyerno ang kundisyon ng mabibigyan ng COVID-19 vaccines.
Digital ang magiging vaccine passport pero maari ring mag-isyu ng printed passport para magamit sa international at domestic travel, maging sa mga local checkpoints.