Lusot na sa health committee ng kamara ang panukalang igawad sa punong ehekutibo ang kapangyarihan para suspindihin ang nakatakdang pagtataas ng premium contribution ng PhilHealth para sa kanilang mga miyembro.
Ito’y makaraang aprubahan ng komite na pinamumunuan ni Quezon Representative Angelina Tan ang House Bill No. 8316 ni Speaker Lord Allan Velasco na layong amyendahan ang section 10 ng Universal Health Care Act.
Sa naturang batas kasi, ngayong 2021 ay itataas ng .5% ang premium contribution na dating nasa 3% lamang.
Kaugnay nito, sa ilalim ng panukala ni Velasco, bibigyang kapangyarihan na ipagpaliban ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng pagtataas ng kontribusyon, kasunod ng konsultasyon sa mga kalihin ng finance at Health Department.
Sa huli, iginiit ni Tan na mahalagang suspindihin sa lalong madaling panahon ang pagpapatupad ng premium hikes, para mas mabigyang panahon ang mga miyembro nito na makaahon sa kanilang pang-araw-araw na pinadapa ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19 pandemic.