Malamig ang ilang mambabatas mula sa mababang kapulungan ng kongreso kaugnay sa isinusulong na panukala ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Ito’y kaugnay sa panukalang bigyan ng 14 month pay ang mga empleyado sa pribadong sektor para tulungang maibsan ang epekto ng Tax Reform Law ng pamahalaan.
Kapwa inihayag nila Parañaque Rep. Gus Tambunting at Eastern Samar rep. Ben Evardone na kailangang mapag-aralan munang maigi ang panukalang batas bago ito tuluyang ipasa.
Ayon kay Evardone, maraming dapat ikunsidera sa nasabing hakbang tulad na lamang kung ito ba’y patas at makatarungan sa panig ng mga employer at manggagawa.
Una nang inihayag ng Malakaniyang na kailangan munang konsultahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang mga economic managers hinggil dito.
Sa panayam naman ng DWIZ kay Sotto, binigyang diin nito na may mga itinakda siyang exemptions sa kaniyang panukala na makatuwiran para sa mga employer.
Giit pa niya, marami namang kumpaniya ang kayang magbigay ng 14 month pay subalit hindi nila ginagawa dahil mas pinipili nilang kumita kaysa alagaan ang kanilang mga empleyado.
“May exemption dun. Ang exemption dun kung mag-a-ano sa kombinasyon ng BIR. Kasi kung hindi mo kaya at hindi ka naman kumikita, eh hindi ka naman dapat bigyan ng 14th month pay, nakalagay yon sa exemption. Parang yung sa exemption na nakalagay sa dating Executive Order. Wala namang umaangal sa 13th month pay diba? Yung 14th month pay, hindi lang yung gobyerno pati sa private sector may mga nagbibigay naman talaga eh. Meron akong exemption doon sa batas eh. Pag-aralan muna nila yung panukalang batas bago sila umangal. “