Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na bumubuwag sa Presidential Commission on Good Governance o PCGG.
Sa ilalim ng House Bill Number 7376 na iniakda ni House Speaker Pantaleon Alvarez, ililipat sa Office of the Solicitor General (OSG) ang lahat ng kapangyarihan at mandato ng PCGG gayundin ng Office of the Government Corporate Counsel.
Kabilang dito ang tungkulin ng PCGG na bawiin ang lahat ng mga umano’y ninakaw na yaman ng pamilya Marcos at kanilang mga cronies.
Gayunman, iginiit ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio na tutol sa nasabing panukala, senyales at paraan aniya ito ng administrasyong Duterte na maibalik muli sa kapangyarihan ang mga Marcos.
Magugunita namang isa si Solicitor General Jose Calida sa nangampanya kay dating Senador Bongbong Marcos sa pagtakbo nito bilang bise presidente noong 2016 elections.
—-