Tutol ang isang grupo ng mga motorcycle riders sa panukalang lagyan ng barrier o harang na gawa sa acrylic ang pagitan ng driver at angkas sa motorsiklo.
Ito ay makaraang payagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging and Infectious Diseases (IATF-EID) ang pag-aangkas ng mga mag-asawa o magkamag-anak basta’t makapagpapakita ng patunay.
Ayon kay Christopher Delos Santos ng grupong Marinduque Motorbike Rescue Team, hindi makatuwiran ang panukalang maglagay ng barrier sa motorsiklo kung mag-asawa o makamag-anak naman ang magkaangkas.
Naaangkop lamang aniya ito sa mga motorcycle taxis na tulad ng angkas o joyride dahil iba’t ibang mga pasahero ang sumasakay sa mga ito.
Dagdag pa ni Delos Santos, panibagong pasanin pa ang pagpapagawa at pagpapakabit ng motorcyle barrier na posibleng umabot sa libo ang presyo.
Ang mga sumasakay dyan hindi naman kamag-anak kundi iba’t-ibang tao, katulad nung ginawa nila sa taxi kailangan may shield kasi nga pampublikong pasahero, dapat sa mag-asawa, magkamag-anak ang tawag lang dyan na hingin na papeles katulad nung passenger na ID na iniisyu ng barangay na ginawa at yung marriage contract ng mag-asawa”, ani Delos Santos.
Maliban pa rito, sinabi ni Delos Santos na hindi ligtas at posibleng magresulta pa sa disgrasya ang paglalagay ng mga motorcyle barrier.
Meron akong isang dating motorcycle delivery, yung mga motorcycle namin by box yan lalagyan ng mga order ng mga customer, kapag hinampas yan ng hangin siguradong wi-wiggle yang motor mo, nire-require pa nila hanggang ulo yan ngayon sabihin na natin na wala yung passenger ko meron akong shield, kapag umuulan hahampasin ako ng hangin, yung mga bus na kung magpatakbo sa EDSA, sa Commonwealth kapag umovertake sayo yung impact nung hangin na dala nun wi-wiggle ka kahit wala kang box,” ani Delos Santos. — panayam mula sa Ratsada Balita.