Aprubado na sa House Committee on Health ang mga consolidation bills na nagsusulong para mapabuti ang mental health services sa bansa.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II, may akda ng House Bill 429, oras na maisabatas ito, magtatayo ng mental health centers sa bawat lalawigan at rehiyon, magkakaroon din ng mental health consultation desks at hotlines.
Bukod pa dito, isasama din sa sakop ng PhilHealth coverage ang kapansanan sa pag-iisip.
Kaugnay nito, ikinalulungkot ni Rep. Gonzales ang dumaraming bilang ng kabataan na naapektuhan ng mental health problems dahil sa kakulangan ng suporta at pagtugon sa naturang karamdaman na nagiging dahilan ng suicide.
Nabatid na ang suicide ang ika apat na dahilan ng pagkasawi ng mga nasa edad 15 hanggang 19, ngunit sa kabila nito kakaunti lamang ang mga ospital na may psychiatric facilities at karamihan pa sa mga ito ay nasa urban areas lamang. - sa panulat ni Raiza Dadia mula sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)