Isinusulong na rin sa kamara ang panukalang magpapalawig sa voters registration para sa 2022 national at local elections.
Inihain ang House Bill 10261 o “extension of registration of voters” nina House Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano.
Layunin ng panukala na palawigin hanggang Oktubre 31 ang pagpaparehistro ng mga botante mula sa orihinal na deadline na Setyembre 30.
Ipinunto ng mga mambabatas na mahalagang magkaroon ng extension dahil marami ang naghahabol sa pagpaparehistro dulot ng pandemya at upang maiwasan ang posibilidad ng “massive voter disenfranchisement”.
Ito, anila, ay upang magkaroon din ng panahon na makahabol ang mga Pilipino na na-delay ang registration dahil sa pandemya.
Samantala, ini-refer na ang bill sa House Committee on Suffrage and electoral reforms.—sa panulat ni Drew Nacino