Lusot na sa ikalawang pagbasa ang panukalang pagpapaliban ng tatlong taon sa eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Tanging si Senador Panfilo Lacson ang bumoto kontra Senate Bill 2214 habang nag abstain naman sina Senate President Protempore Ralph Recto at Senador Imee Marcos.
Sinabi ni Lacson na hindi dapat iantala ang eleksyon at dapat konsultahin ang mga mamamayan ng BARMM kung payag na ipagpaliban ang eleksyon samantalang inihayag ni Marcos na pabor siyang ipagpaliban ito ng isang taon lang.
Ayon kay Senate Committee on Local Government Chair Francis Tolentino, nag sponsor ng panukala, ang tatlong taong pagpapaliban ng nasabing eleksyon ay magbibigay sa Bangsamoro Transition Authority ng dagdag na panahon para magawa ang mga programa at proyekto sa BARMM na naantala dahil sa COVID-19 pandemic. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno