Umalma ang ilang obispo ng Simbahang Katolika sa isinusulong na panukala ni House Speaker Pantaleon Alvarez na patawan na ng buwis ang mga grupo at mga institusyong pinatatakbo ng mga religious groups.
Ito’y ayon kay Alvarez ay sa sandaling ganap nang maamiyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng Cha-Cha o Charter Change patungo sa pagbabago ng sistema ng pamahalaan, ang Pederalismo.
Ayon kay Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo, tila isa lamang iyong uri ng paghihiganti ni Alvarez sa mga kritiko ng administrasyon na tutol sa war on drugs.
Una rito, kinukuwesyon ni Alvarez kung bakit aniya hindi pinapatawan ng buwis ang simbahan gayung napakataas ng kinokolekta nitong matrikula sa mga paaralang pinatatakbo nito.
Pero paliwanag ni Atty. Joseph Noel Estrada ng CEAP o Catholic Educational Association of the Philippines, napupunta sa operational expenses at pagpapabuti ng serbisyo ng mga pinatatakbong institusyon ng simbahan para sa mga mamamayan.