Isinusulong ngayon sa mababang kapulungan ng kongreso ang panukalang bigyan ng pandemic paid leave ang mga empleyado sa pribadong sektor na napilitang magquarantine at lumiban sa trabaho dahil sa COVID-19.
Sa ilalim ng House Bill 7909, inaatasan nito ang mga pribadong kumpaniya na bigyan ng karagdagang 14 na araw na paid leave at full pay ang mga tauhan nitong na-expose sa virus.
Inaatasan din ng nasabing batas ang mga employer na bibigyan ng maximum na 60 araw na paid leave at 80% suweldo ang mga empleyadong nasa floating status o involuntary out of work subalit may trabaho pa rin.
Kasunod nito, nilinaw ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na ang pondong gagamitin ng mga employer sa pagbibigay ng pandemic paid leave ay magmumula naman sa stimulus package na ibibigay sa kanila ng pamahalaan.