Suportado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang panukala ng isang kongresista na pansamantalang palayain ang mga matatanda at may sakit na mga preso.
Sa isang pahayag, sinabi ng DSWD na nararapat lamang sa kasalukuyang sitwasyon na pansamantalang palabasin mula sa mga siksikang kulungan ang mga presong matatanda at may sakit na bantad sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa ahensiya, mas nagiging lantad ang mga nabanggit na preso sa panganib na mahawaan ng sakit dahil sa sobrang siksikang kulungan na makapagpapalala sa kanilang sitwasyon.
Umaasa naman ang DSWD na ikokonsidera ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang nabanggit na panukala sa gitna ng nararanasang public health crisis.
Una rito, inirekomenda ni Leyte Representative Vicente Veloso ang pansamantalang pagpapalaya sa mga matatanda at may sakit nang preso bilang bahagi ng huminatirian action sa gitna ng pakikipaglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.