Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang house Bill 11317 o panukalang patawan ng P500,000 pesos o kalahating milyong piso ang mga mahahatulang “Guilty” Sa pagiging “Nuisance candidate” o mga kandidatong panggulo sa eleksiyon.
Sa botong 193 na pabor, apat ang kumontra, habang wala naman ang nag-abstain, mapepreserba ng panukala ang integridad ng halalan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng “Grounds” Para sa kanselasyon ng certificates of candidacy o coc ng isang kandidato.
Sa oras naman na maging ganap itong batas, aamyendahan ang Omnibus Election Code of the Philippines o batas pambansa 881, maging ang depinisyon ng nuisance candidates at isasama ang mga indibidwal na naghain ng COC para kumita o tumanggap ng iba pang konsiderasyon.
Ang nuisance candidates ay ang indibidwal na naghain ng coc upang sirain ang proseso ng halalan, magdulot ng kalituhan sa mga botante bunsod ng pagkaka-pareho ng pangalan o apelyido nito sa ibang kandidato, at ang pagpapakita ng kawalang interes o intensyong tumakbo. – mula sa ulat ni Geli Mendez (Patrol 30)