Sasalang na sa plenary debate ng senado ang panukalang batas na layong bigyan ng buwanang pensyon ang mga indigent persons with disabilities (PWD).
Dedepensahan ang Senate Bill 1602 o “Disability Support Fund Act” ni Senador Imee Marcos, na sponsor ng bill, sa oras na magbalik-sesyon ang kongreso sa Enero.
Kabilang naman sa mga may-akda sina Senators Risa Hontiveros, Lito Lapid, Ronald Dela Rosa at Ramon Revilla, Junior.
Sa ilalim ng naturang bill, tatanggap ang mga mahirap na PWD ng P2,000 kada buwan.
Bukod pa ito sa tinatanggap na benepisyo ng mga PWD, gaya ng diskwento sa pagbili ng pagkain at gamot.
Inirerekomenda rin ng panukalang batas na i-prayoridad sa disability support fund ang mga batang may kapansanan at adults na mayroong moderate at severe disability sa unang tatlong taon ng implementasyon.