Binabalangkas na ng Sanguniang Bayan ng Malay Aklan ang isang batas na naglalayong patawan ng permanent ban ang mga turistang gumagamit ng pekeng COVID-19 RT-PCR test result upang makapasok ng Boracay island.
Ayon kay Malay acting Mayor Floribar Bautista, sinimulan na ng kanilang sanguniang bayan ang deliberasyon sa naturang panukala noong Huwebes.
Ani Bautista, siya mismo ang humiling sa kanilang sanguniang bayan na ipasa ang naturang lokal na ordinansa.
Ito ay bunsod na rin aniya ng nadaragdagang bilang ng mga turistang nahuhuling gumagamit ng pekeng RT-PCR test result.
Batay sa pinakahuling tala ng Aklan Provincial Government, nasa tatlumpung mga turista na ang nahuling gumamit ng pekeng COVID-19 test results.
Habang mahigit 100 turista naman ang nadakip dahil sa paglabas sa safety and health protocols tulad ng hindi pagsusuot ng face mask.