Pinahaharang ng isang mambabatas ang panukalang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Ayon kay Anak Kalusugan party-list Rep. Mike Defensor, kuwestyunable ang ginawang pagharang ng PhilHeath sa Commission on Audit (COA) na suriin ang 2018 benefit claims expenses nito.
Magugunitang nais imbestigahan ng COA ang All Case Rates (ACRs) transaction o ang data base ng PhilHeath na naglalaman ng lahat ng medical claims ng ahensya na nagkakahalaga ng mahigit P62-B.
Subalit batay sa hawak niyang COA report, sinabi ni Defensor na maka-ilang ulit umanong nagpaabot ng verbal at written request ang state auditor para ma-access ang buong ACR ng PhilHealth subalit hindi ito pinansin ng ahensya.
Dahil dito, sinabi ni Defensor na dapat harangin ang pondo para sa PhilHealth hangga’t hindi aniya naipapaliwanag ng tanggapan kung paano ginastos ang benefit expenses ng ahensya.