Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat nang simulang busisiin ang mga detalye at nilalaman ng senate bill 1979 o ang Adolescent Pregnancy Prevention Bill.
Ito’y sa harap nang pagkontra ng grupo ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa naturang panukala dahil sa sinasabing mayroon itong mga probisyon na kwestyunable, nakaalarma at paglabag sa konstitusyon.
Ayon kay Sen. Pimentel, kung titingnan ang mukha ng naturang panukalang batas, walang nakikitang peligroso o nakakabahala, kaya’t mahalagang masuri ang detalye nito at mabusisi ang lahat ng posibleng senaryo na mangyari, sakaling ito ay maipasa at maipatupad.
Una rito, sinabi ng grupo ni Sereno na mayroonng labing isang senador na nangako na hindi susuportahan ang nabanggit na panukala.
Sinabi naman ni Senator Joel Villanueva na mayroon nang nagbabalak na bawiin ang kanilang pagiging co-author ng Adolescent Pregnancy Prevention Bill. – Sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)