Isinusulong sa Kamara ang panukalang batas na siyang maghihigpit sa mga nagnanais bumili ng sasakyan pero wala namang sapat na espasyo para pagparadahan nito.
Ayon kay House Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu, nakasaad sa inihain niyang House Bill 1991 o ang Proof of Parking Space Act ang pagbabawal sa sinuman na makabili ng sasakyan kung walang parking space na maibibigay para rito.
Layon aniya nitong makatulong sa pagpapaluwag ng mga pangunahing kalsada sa mga highly urbanized cities tulad ng Metro Manila, Cebu, Davao, Dagupan, Baguio at iba pa na kadalasang itinuturo sa mga naka-double parking na mga sasakyan.
Giit ni Abu, pananagutan ng mga may ari ng sasakyan na maglaan ng espasyo para sa mga ito maging ito man ay nakakabit sa kanilang tahanan o di kaya naman ay sa pamamagitan ng pag-upa sa mga parking spaces.
Una nang naghain ng kaparehong panukala si Senador Sherwin Gatchalian nitong mga nakalipas na Kongreso na pawang nakalusot naman sa Senado subalit laging nabibibinbin dahil walang kahalintulad na panukalang naihahain sa Kamara.
Jaymark Dagala / Jill Resontoc / RPE