Idinepensa ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar, hepe ng PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) ang panukala nilang random inspection sa bags at lockers ng mga estudyante sa elementarya at high school.
Ayon kay Eleazar, mungkahi lamang naman ito na puwedeng pag-aralan ng mga opisyal ng Department of Education o DepEd.
Iginiit ni Eleazar na batay sa kanyang karanasan nang pamunuan niya ang Quezon City Police, may mga batang ginagamit ang mga sindikato sa pagbebenta ng illegal drugs.
Kumbinsido si Eleazar na ang sorpresang inspection sa bags at lockers ng mga estudyante ay magsisilbing babala na anumang oras ay puwede silang mahuli.
“Ang teacher o puwedeng may kasama ring PTA officers, hindi po pulis, hindi kami papasok doon (sa eskuwelahan) sila lang doon, alam niyo po kasi kung merong ganung parang warning na puwedeng may mag-inspect anytime, ‘yan po ay deterrent, kung may matatagpuan man na may dalang kontrabando o illegal drugs, kahit naman po i-refer sa pulis ‘yan para imbestigahan at para hanapin ang source niyan ay hindi naman po aarestuhin ang mga ‘yan kasi sila po ay mga juvenile.” Pahayag ni Eleazar
(Ratsada Balita Interview)