Hati ang opinyon ng isang transportation group sa panukalang isailalim sa re-education program ang lahat ng mga tsuper o drivers, isang beses kada limang taon.
Ayon kay Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) national president Efren De Luna, wala naman silang nakikitang problema sa nabanggit na panukalang batas lalo na’t ang layunin nito ay madisiplina ang mga drivers.
Gayunman, sinabi ni De Luna na tila magiging doble na ito sa kasalukuyang ipinatutupad na education program para sa mga drivers.
Aniya, sa kasalukuyan ay meron nang drivers’ academy ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan kinakailangang sumalang dito ng mga namamasadang tsuper.
‘Yung mga mamamasada ng public utility, magmamaneho, kailangan po dumaan tayo dito sa tinatawag na drivers’ academy at magbibigay naman po ng certification, ‘yan po ay ipinatutupad na ngayon ng LTFRB. ‘Yung TESDA po, mayroon din po silang tinatawag na education sa parte rin po ng mga driver –napakarami na po,” ani De Luna.
Dagdag pa ni De Luna, magiging masakit din ito sa bulsa ng mga tsuper dahil hindi naman aniya ito magiging libre.
Okay po ‘yon, kung libre, kasi ang masakit diyan baka naman pagkaperahan,” ani De Luna. —sa panayam ng Ratsada Balita