Lusot na sa House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang Substitute Bill sa panukalang nag-re-regulate sa paggamit ng bank accounts, e-wallets at iba pang financial accounts.
Inaprubahan sa isang virtual meeting ang bill na layuning protektahan ang publiko mula sa cybercriminals at criminal syndicates na target ang bank accounts, e-wallets at iba pang payment service providers.
Sa ilalim ng panukalang batas, mayroon umanong dapat gawing hakbang upang protektahan ang publiko na mabibiktima ng iba’t ibang cybercrime schemes sa bank accounts at e-wallet.
Ayon kay Committee Chairman at Quirino Rep. Junnie Cua, layunin din ng panukala na ipataw ang mas matinding parusa sa mga sangkot sa krimen sa banking at financial industry.
Kabilang sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng bill ang pagbubukas o paggamit ng bank o financial account upang makatanggap o magpasa ng pondo na labag sa batas at pagbubukas ng financial account sa ilalim ng pekeng pangalan.
Ang mga Substitute Bills ay magkahiwalay na inihain nina Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte Junior at magdalo Partylist Rep. Manuel Cabochan III.